Ano nga ba ang meron sa alak? Nakakamangha kasi ang nagagawang milagro nito sa mga taong natutukso dito? Kung tutuusin, mapait at mapakla ang lasa pero kada abot ng tagay sayo hindi mo mapigilan abutin at tunggain ang baso. Sakit ng ulo sa hangover naman, ang resulta pagkagising mo sa magdamagang huntahan habang lumalagok ng malamig na beer. Pero ano bang alindog meron ito na hindi matanggihan ng mga lasingero?
Marami na ko nasaksihan na mga tagpo na parang kinopya sa pelikula, madrama, maaksiyon at minsan nakakatawa. Ngutin nagyari sa totoong buhay, nakakawindang. Nang dahil sa alak, eto ang ilan.
Meron eksena noon sa tambayan, sinampal ng isang girlaloo ang isa pang girlaloo dahil sa inagawan, nilandi, ang syota niya. Nagwawala si girlaloo #1, sinigaw sigawan, dinuroduro at minura si girlaloo #2, inawat ni boylet, ayun nasampal si boylet ng bonggang bongga. Nabuko siya ng di oras nang dahil sa alak.
Ung huling labas namin may nakita naman kami, si ate sumusuka habang umaandar ung sasakyan nila, nasa passenger seat siya, bukas ung pintuhan umaandar ng madahan ang sasakyan, nakakaloka, ayun kiber sa kahihiyan, nang dahil sa alak.
Sa hindi ko mawaring dahilan takaw gulo rin ang mga nagiinom, may nagkakapikunan na nauuwi sa sampalan, suntukan, bugbugan, tadyakan, saksakan at barilan. Riot, dusko madugo ito, nakaabot sa presinto, nang dahil sa alak.
Ngunit subalit datapwat marahil, hindi naman puro masama o pangit ang mga pangyayari ang dulot ng alak, may positive parin. Marami nang nagkabati at nagkaayos na magkakaibigan. Nagkakausap ang matagal nang hindi nagkikitang magbabarkada sa isang group text lang ng "tara inom tayo sa biyernes". Napapangiti ang mga taong depress at may problema sa buhay pag sumipa na ang pulang kabayo. Lahat yan napatunayan kong totoo at nagyayari sa totoong buhay hindi sa tv lang. Kakaiba nga talaga ang epekto ng alak sa tao.
Sabi nila kausapin mo ang taong lasing o nakainom at panigurado lalabas ang totoo. Painumin mo ng alak ung tatahitahimik na tao at makikita mo kung gaano talaga siya katarantado, kasama si San Miguel. Babangka ang dating kiming babae sa isang sulok pagnakashot na at sinaniban na ni Sta. Tequila.
Pero may bahagi paring napapaisip ako. Dito - "sabi nila kadalasan pag lasing, dun raw nakakapagsabi ng totoo ang isang tao, lumalabas ang mga sikreto at mga sama ng loob. Dito napapawi ang sakit nanararamdaman at nakakapagdulot kahit panandaliang kaligayahan."
Sangayon ako dito, totoo naman kase. Pagnakainom ka at marami ka kausap na barkada nakakalimutan mo ang mga gumugulo sa utak mo, mga problema at ung mga kirot na nararamdaman mo. Parang anesthesia ang alak, mapapamanhid nito ang pakiramdam mo, makakalimutan ang hapdi ng paghihirap ng loob mo, pero paglumaon at wala na ung tama ng espiritu na sumapi sayo, balik ka ulit sa dati. Hindi kase ito ang lumas pero nakakatulong parin kahit papaano, kahit sandali.
Nagagawa rin nitong ilabas lahat ng nasasaloob mo, sabi nila nakakalakas daw kase ng loob, pagnakainom ka na. Ung mga bagay na hindi mo nasasabi sa iba at kinikimkim mo lang ng pagkatagal tagal eh nasasabi mo na lang ng biglaan. Nawawala ang hesitasyon, pagaalinlangan at inhibisyon. Yung tipong kahit na yung pinakatorpeng lalaki, pagnasapian ng espiritu ni Giner, kulang na lang eh alukin ng kasal ang kanyang sinisinta. Yung mga babaeng pakipot pa, ayaw gumawa ng move sa para mapansin ng lalaking gusto nila, pagbinuyo na ni Margarita, bibigay din.
Meron naman nagsabi na paglasing ka eh hindi mo alam kung ano ang ginagawa o sinasabi mo. Hmmm.. Dyan ako hindi masyadong kumbinsido. Ang alam ko kasi, alam parin ng tao ang ginagawa o sinasabi niya kahit lasing na, ang kaso lang, kadalasan hindi mo na mapigilan ang bawat galaw mo at ang kadaldalan mo, kaya ginagawa na lamang iyan dahilan.
Kaya napaisip ulit ako, hindi kaya iyan din ang posibleng dahilan kung bakit lumalakas ang loob ng isang tao, hindi dahil sa epekto ng alak, kundi ang kakabit nitong, maari mong gawing dahilan sa kung ano mang pwede mo gawin o sabihin? Nang dahil sa alak.